MGA BAYAN NG SAN JOSE AT TAYSAN KABILANG SA MGA MAY EPEKTIBONG ANTI-ILLEGAL DRUG COUNCILS SA BATANGAS PROVINCE

Denise Abante

Pormal na ipinakilala ng Provincial Anti-Illegal Drug Abuse Council (PADAC) ang mga high functional na Anti-Drug Abuse Councils (ADAC) ng mga lokal na pamahalaan noong 2021, matapos ang isinagawang performance audit kamakailan.

Ibinahagi ito ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Batangas Provincial Director Abigail Andres sa ginawang PADAC meeting, na pinangunahan ni Gov. DoDo Mandanas, sa Provincial Auditorium, Lungsod ng Batangas noong Hunyo 2, 2022.

Batay sa ibinigay na indicators, nakita kung aling mga bayan at lungsod ang tumatalima sa hangarin ng pamahalaan na masolusyonan ang problema sa iligal na droga.

Sa 34 na bayan at lungsod sa lalawigan ng Batangas, walo sa mga ito ang tinaguriang high functional na ADAC, 17 ang moderate functional, 8 ang low functional at isang munisipalidad ang hindi nakilahok.

Batay sa resulta ng kanilang performance audit, nakapagtala ng mataas na puntos ang mga ADAC sa mga bayan ng Balete, Calaca, Lemery, San Jose, Sta. Teresita, Taal, Taysan at Tingloy.

Kasabay nito, inaprubahan din sa nasabing pagpupulong ang resolusyon, na ibinahagi ni Provincial Assistance for Community Development Office department head at PADAC Technical Working Group Chairperson Fredesvinda Mendoza, na magbibigay ng tulong sa paghahanapbuhay para sa mga drug users at pushers na nakapagtapos ng rehabilitation program bilang bahagi ng After Care Strategy.