MGA NAIS KUMUHA NG CIVIL SERVICE EXAMS SA QUEZON, NAUBUSAN NG SLOT SA LOOB NG 10 MINUTO

Vanessa Gonzales

Inanunsiyo ng Civil Service Commission (CSC) Field Office – Quezon Province noong Lunes ika-anim (6) ng Hunyo, na humaharap sila ng problemang teknikal sa kanilang Online Civil Service Examination Application System (OCSEAS) na website.

Dahil dito, inihayag na magbubukas ng 1,500 slots para sa mga nais magpasa ng aplikasyon sa pamamagitan ng google forms nitong Martes. Ito ay first come first serve basis.

Sa ilalim ng sistema ng CSC Quezon, ang pagbubukas ng online form ay inabangan ng nakararami at ang 1,500 slots ay naubos sa loob ng halos sampung (10) minuto.

Sinimulan ang pagtanggap ng online appointment Martes alas 8:00 ng umaga at tumagal lamang ng ilang minuto.

Marami ang nadismaya nang mabigo makapagpa-appointment at hindi na tinanggap ang kanilang tugon mula sa form at napagsarahan.

Samantala, nagbigay naman ng pasasalamat ang CSC Field Office, sa mga sumuporta sa aktibidad.

Para naman sa mga matagumpay na nakakuha ng appointment, mangyaring antayin ang e-mail ng eksaktong araw at oras para sa kanilang nakatakdang araw ng pagpasa ng aplikasyon sa mismong field office.