37TH ONESTORE HUB SA BANSA, BINUKSAN NA SA CALABARZON

📷 DOST CALABARZON

John Raphael Abu

Binuksan na ng Department of Science and Technology o DOST ang 37th oneSTore Hub sa buong bansa sa CALABARZON noong Mayo 28 na matatagpuan sa Estancia De Lorenzo, San Mateo, Rizal.

Ito ay sa pamamagitan ng suporta sa pagbibigay ng pondo ng DOST Region 2 bilang oneSTore National Program focal region at sa pakikipagtulungan sa Estancia De Lorenzo o EDL.

Ipinangako naman ng DOST-CALABARZON, bilang host region, na susuportahan ng organisasyon ang proyekto upang ito ay maging matagumpay sa pamamagitan ng koordinasyon sa Provincial S&T Center sa Rizal.

Ipinakilala noong 2016 ang oneSTore bilang isang digital marketing na isinasama ang e-commerce sa mga operasyon ng micro, small, medium enterprises (MSMEs), isang diskarte na tumutulong sa mga negosyo na palawakin ang saklaw ng kanilang market at pataasin ang kanilang mga business opportunities.

“The DOST oneSTore aims to provide MSMEs a platform to better consolidate and market their products to various customers online,” aniya ni DOST Sec. Fortunato de la Peña sa isang taped report.

Dagdag pa niya, layunin nitong i-promote ang mga produktong Pilipino at mabigyan ang mga mamimili ng madaling paraan ng pamimili. Bibigyan rin ng pagkakataon ang mga retailers ng direktang access sa pinakamalaking customer base sa Pilipinas.

Inaasahan na ang oneSTore Hub ay tutulong sa pag-angat ng kalagayang pang-ekonomiya at negosyo ng mga MSME at mga grupo ng kabuhayan sa Calabarzon sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa mga negosyo na pumasok sa mas malaking grupo ng mga customer habang nag-aalok ng maginhawang karanasan sa pamimili.