ALKALDE NG ALITAGTAG NAGLABAS NG PAHAYAG PATUNGKOL SA ISYU NG KONTAMINSAYON NG ARSENIC SA KANILANG BAYAN

Maria Katrina Garcia

Naglabas ng Public Advisory si Alitagtag Mayor Edilberto “Dingdong” Ponggos sa kaniyang Facebook Page patungkol sa isyu ng kontaminasyon ng Arsenic sa bayan ng Alitagtag bunsod ng pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 12, 2020.

Nabanggit niya sa kaniyang pahayag na tinalakay ang mga naging hakbang ng bawat stakeholder sa isang pagpupulong na dinaluhan ng mga opisyales ng mga apektadong barangay, mga kawani ng munisipyo at mga tanggapan ng serbisyo ng patubig upang maisiguro ang pangkalahatang pangkaligtasan lalo’t higit ang ligtas na inuming tubig.

Kabilang na dito ang isinagawang malawakang health assessment ng urine at blood testing for Arsenic noong Marso 24, 2022 sa mga barangay na naapektuhan. Pinangunahan ito ni Dr. Rhodora Madrid-Reyes ng Poison Control Center ng Batangas Medical Center.

Muling nagkaroon ng pagpupulong ang munisipyo at kinatawan ng Alitagtag Water District noong Abril 13, 2022 at napagkasunduan na muling magsagawa ng Arsenic testing.

Noong ika-18 ng Abril 2022 isinagawa ang pagkuha ng water samples para sa Arsenic testing matapos linisin at palitan ang mga filter lahat ng tangke ng tubig at pumping station sa bayan ng Alitagtag.

Ayon kay Mayor Mayor Dingdong Ponggos, ang Sitio Libis Muzon II at Sito Kabagan, Sta. Cruz na lamang ang nanatiling mayroong kontaminasyon ng Arsenic.

Dagdag pa niya, merong darating na grupo sa kanilang bayan sa darating na ika-12 at ika-13 ng Hunyo upang muling isagawa ng komprehensibong pagsusuri ng kalidad ng tubig sa lahat ng pinagkukunan sa bayan ng Alitagtag upang maisiguro ang kaligtasan ng mga Alitagtagueño.

Samantala, maglalaan ng pondo ang munisipyo upang bumili ng arsenator, makina sa tubig na nagpoproseso ng reverse osmosis at pagsulong sa pag-iisyu ng Executive Order na magpapatupad sa buwanang pagsusuri ng tubig mula sa lahat ng water providers sa bayan ng Alitagtag.