FETUS ITINAPON SA ILOG SA QUEZON

Ylou Dagos

Isang wala ng buhay na kasisilang pa lamang na sanggol ang natagpuang nakalutang sa ilog sa Tayabas City noong Martes ng umaga.

Ayon sa Tayabas City police, nadiskubre ng isang grupo ng mga kabataang mamimingwit ng isda   ang fetus na lulutang-lutang sa Alitao River, sakop ng Sitio Ibaba, Brgy. Wakas, nasabing lungsod dakong alas 10:30 ng umaga.

Kaagad itong kinuha ng mga awtoridad at sinuri sa City Health Office ng lungsod.

Ayon sa mga doctor, isang ganap na bata na ang fetus na tinatayang nasa 7 o 8 buwan na ang edad.

Ayon sa mga awtoridad, posible umanong isinilang ang sanggol pero wala ng buhay nang ilabas.

Pero sa halip na bigyan ng maayos na libing ay itinapon na lamang ito ng hindi nakilalang suspek sa ilog.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis at inaalam kung sino ang nagtapon sa fetus.