DENR-4A, NAKIISA SA NATIONWIDE SIMULTANEOUS TREE PLANTING ACTIVITY

📷 PIA-CALABARZON

Alynna Marie Calayag

Nakiisa ang Department of Environmental and Natural Resources (DENR) CALABARZON sa naganap na Nationwide Simultaneous Tree Planting Activity kahapon, ika-8 ng Hunyo bilang pagdiriwang sa Philippine Environment Month.

Naganap ang aktibidad sa Brgy. Maitim, Bay, Laguna na pinangunahan ng mga Division Chief mula sa DENR IV-A at ng DENR-Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Laguna. Ilang mga Environment and Natural Resources Academy (ENRA) learners naman mula sa DENR IV-A ang sumali sa naganap na tree planting bilang parte ng kanilang community engagement program na naglalayong makapagbigay ng dagdag-kaalaman para sa kanila.

Nagsagawa din ng simultaneous tree planting sa ibang bahagi ng CALABARZON partikular na sa Kaliwa River Forest Reserve sa Brgy. Sto Niño, Tanay, Rizal kung saan higit 2,000 seedlings ng narra, dao, guyabano, pili, kamansi, kakauate, lumbang, at palumaria ang naitanim. Nakiisa rito ng nasa 200 indibidwal mula sa DENR IV-A, PENRO Rizal, Fraternal Order of Eagles, Regional Mobile Force Battalion 4A, Tanay LGU, at iba pang mga grupo at organisasyon.

Ayon kay Laguna DENR- Provincial Environment and Natural Resources Officer Eriberto Sanos, ang mga simpleng hakbang tulad ng tamang pagtatapon ng basura at pakikilahok sa mga tree planting at clean-up activity ay maaaring makatulong sa pagprotekta ng ating kapaligiran habang kinilala naman ni Forester Ernesto Diso, Hepe ng PENRO Rizal Technical Services Division, ang pagtutulungan ng iba’t-ibang sektor ng pamahalaan upang maprotektahan ang kalikasan.

Dinaluhan din ng ilang mga miyembro ng tribong Dumagat-Remontado ang nasabing aktibidad upang magsagawa ng ritwal na “pagsusuob” o ang paniniwalang makakatulong ito sa magandang pagyabong ng mga punong itinanim.

Sa pagtatapos ng isinagawang tree planting activity, inihayag ni National Greening Program (NGP) Regional Coordinator, Herminigildo Jocson na hindi natatapos sa ang aktibidad bagkus ay dapat itong masundan upang mapangalagaan ang mga binhing itinanim at tumubo hanggang sa mabuhay.

Mahigit 5,000 seedlings sa kabuuan  ang naitanim sa buong CALABARZON sa tulong ng  1,000 volunteers mula sa iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno at mga pribadong grupo.