GUMACA LGU, NAGPASALAMAT SA ” BIGASAN PROJECT ” NG DILG

Allan Llaneta

Sa pagtutulungan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ay matagumpay na nailipat sa pangangalaga ng Pag-Asa Youth Association of the Philippines (PYAP) Municipal Federation Officers ang Bigasan Project.

Ito ay nasa ilalim ng Local Government Support Funds-Disaster Reconstruction Rehabilitation Program (LGSF-DRRAP) na may layuning tulungan ang mga Lokal na Pamahalaan sa pagpapatupad ng mga program nito para sa mamamayan.

Ayon kay MLGOO Pierre Palogan, ito ay mayroong tatlong layunin: una, upang matiyak na may makukuha na mababang presyo at de-kalidad na bigas ang mga mahihirap na pamilya sa mga kanayunan; pangalawa, matiyak na mayroong sapat na supply ng bigas sa mga komunidad; at pangatlo, makapagbigay ng karagdagang kita sa pamayanan.

Ang MSWDO ang pipili ng mga lugar kung saan ito ipatutupad at magbibigay-ulat ng pag-unlad ng programa sa PSWDO. Ang DILG naman ay magkakaroon ng regular monitoring at evaluation sa pagpapatakbo ng proyekto.

Kasama si Vice Mayor elect Rico Bañal, lubos ang pasasalamat ni Gumaca Mayor Webster D. Letargo sa programang ito mula sa DILG.

Nagpapasalamat din siya sa pagkakapili sa Bayan ng Gumaca bilang isa sa anim na benipisyaryo ng proyekto.

Ayon naman kay DSWDO Nancy Pascual, ang Bigasan Project na ito ay ilalagak sa mga barangay ng Camohaguin, Tumayan, Villa Bota, Villa Padua at Buensuceso.