PALAY-ARALAN, ISINUSULONG NG DA CALABARZON

📷 Department of Agriculture RFO-4A

Alynna Marie Calayag

Isinusulong ng Department of Agriculture-4A ang programang Palay-Aralan: Makabagong Pagsasaka sa Himpapawid na ngayon ay nasa ikalawang taon na.

Unang inilabas ang episode 1 ng programa ngayong taon noong Hunyo 6 at kasalukuyang nasa Episode 3 na ito. Layunin ng programa na pahusayin ang modernisasyon ng agrikultura sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga magsasaka tungkol sa bago at advanced na teknolohiyang makasasabay sa pabago-bagong klima.

Bukod doon, nakatuon din ang programa sa buong rice value chain kasama ang pagpapalago ng mga ani sa mga sakahan habang pinabababa ang mga gastos sa produksyon. Nilalayon nitong bigyang-daan ang mga magsasaka na maipatupad at mapanatili ang mga inobasyon upang mapabuti ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka.

Samantala, sa ikatlong episode ng Palay-Aralan nakatakdang talakayin ang Climate Change at epekto nito sa produksyon ng pagkain, kasama si Dr. Romeo Pati, Faculty mula sa College of Agriculture, University of Rizal System.

Kasama rin sa magtatalakay sina Dr. Ricardo Orge, Career Scientist mula sa PhilRice para sa talakayan tungkol sa La Nina at El Nino Technologies at si Ms. Lovely Luar-Perez, Senior Agriculturist mula sa DA-Fertilizer and Pesticide Authority, upang ibahagi ang “Mga Solusyon sa Problema sa Baha at Pag-alat ng Lupa na Dulot ng Climate Change”

Mapapanuod at mapapakinggan naman ang ikalawang lingo ng Palay-Aralan at episodes nito sa Facebook page ng Agricultural Training Institute-CALABARZON, DA-RFO IV-A, Philippine Information Agency IV-A, PhilRice Los Banos, 95.1 KISS FM at sa 106.3 FM RADIO NATIN-Laguna.