RORO VESSEL TUMAGILID, 3 DUMP TRUCK, VAN, NALUBOG SA TUBIG

Ylou Dagos / Vanessa Gonzales

Nalubog sa tubig ang tatlong dump truck at isang van matapos na ang RORO vessel na pinagsakyan sa mga ito ay tumagilid sa Real port sa Brgy. Ungos, Real, Quezon kahapon, Hunyo 10.

Patungo sa isla ng Polillo ang RORO mula sa Real, Quezon.

Batay sa report ng Real Police nasa Real port pa ang LCT Balesin Cargo Vessel na pag-aari ng Alphaland Balesin Island Club Incorporated at nasa proseso pa ng pagsasakay ng mga rolling cargoes nang mapansin ng mga tripulante na tumatagilid ang barko.

Sinubukan ng kapitan ng barko na si Captain Ely Gajarion na ipataas ang rampang sakayan at patakbuhin ang vessel patungo sa medyo malalim na bahagi para tiyakin kung balanse ang barko subalit patuloy itong tumagilid.

Dahil dito nahulog ang mga kargang rolling cagoes na isang Foton wingvan, isang Shacman dump truck, isang Man dump truck at isang Howo dump truck at lumubog sa tubig.

Nakalangoy naman patungo sa hindi kalayuang Ungos Port ang 9 na crew ng RORO at ang 14 pang sakay kabilang ang mga driver ng tatlong dump truck.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Philippine Coat Guard sa pangyayari at inaalam ang naging sanhi ng paglubog.

Ito na ang ikalawang aksidente ng sasakyang dagat sa may bahagi ng Real port sa loob ng isang buwan.

Nito lamang nakaraang May 23, nasunog ang fast craft na M/V Mercraft 2 habang papalapit sa Real port na ikinasawi ng 9 na pasahero habang naglalayag mula sa isla ng Polillo.