BUHAY NA NILARO NG TADHANA

John Raphael Abu

“Jack of all trades” mga salitang inilarawan sa kanyang sarili. Pangarap niyang maging abugado, minsan negosyante, minsan architect at minsan ay pintor, ganyan lamang kapuno ng kabuluhan ang buhay ng student-entrepreneur na si Maria Katelina Marsha Baril o Kate

Bagaman produkto ng ‘broken family’ malakas ang loob at may paninindigan si Kate. Panganay sa dalawang magkapatid at mayroon ding tig-dalawa pang kapatid sa ama at sa kanyang ina. Kung ihahalintulad sa bagay, isa siyang bato na hindi matibag-tibag dahil sa kanyang katatagan.

Bata pa lamang siya ay namulat na sa pagnenegosyo, lalo na noon dumating ang pandemya, dahil sa pagkakatapos ng project ng  OFW na ama ay napabalik sa Pilipinas kaya naman lalong nasubukan ang kanyang pagiging tunay na student-entrepreneur. Naranasan ng kanyang pamilya na magtinda ng kung anu-ano at si Kate naman ay nagtinda ng avocado, tilapia, empanada at iba pang mga bagay. Kaya naman dahil sa pangyayaring ito, dito nag-alab ang apoy sa kanyang puso na ipagpatuloy ang pagiging negosyante.

Birthday niya noong naisipang bumili ng nipple covers na tig-15 pesos lang. Dahil sa murang presyo ay hindi ito dumikit sa balat at halata sa damit na suot. Sa puntong ito may bumbilyang umilaw sa utak niya.

“Maganda tong business idea ah.”

And the rest is history ika nga, dahil sa pangyayaring iyon naisipan ni Kate na magbusiness ng ‘Reusable and washable Nippies Nipple Cover’ na pinangalanan niyang ‘Shop Hola’ na galing sa dating negosyo nilang magkakaibigan.

Sinimuan ni Kate ang business niya one year ago noong wala pa siyang pang-enroll pero dahil sa kanyang kaibigan na nagbigay sa kanya ng halagang Php 1000 ay nasimulan niya ang Shop Hola.

“Lubos ko pa rin  pinagpapasalamat hanggang ngayon. Inisip ko, kung ibabayad ko ito agad, hindi ito lalago. Hindi ito aanak ng mas malaki.” Naisipan din ni Kate ang pangangailangan nito dahil na rin sa kanyang kalagayan. May bukol siya sa kanyang dibdib kaya pinagbawalan ng doctor na magsuot siya ng Bra.

Nakitaan niya ng potential, market, at platform kaya naghanap siya ng manufacturer para sa kanyang produkto. Naghanap siya ng makakakuha ng kanyang gusto, madikit, mas malaki, hindi halata sa damit at magiging mura pag binenta at iyon ang naging ‘edge’ niya sa kanyang kompetisyon.

Nagsimula sa 10 piraso lamang, ngayon ay nakakabenta na siya ng  200 piraso kada linggo. “Oh diba,” yan ang mga salitang binitawan ni Kate.

Malayo man ang umaga, hindi matanaw ang pag-asa ika nga ng isang kanta, pero para kay Kate, malayo man ay sisikapin niyang matanaw ang pag-asa.

Sa paguumpisa niya sa kanyang business ay inaasahan na niya ang mga problemang kanyang kakaharapin. Bilang isang estudyante, kapatid, apo, at empleyado ay naging ‘overwhelming’ ang lahat sa kanya.

Mag-isa lamang siyang gumagawa ng lahat at pagsubok din ang kakulangan sa gamit. Ayon sa kaniya, kahit na siya ay kumikita na ngayon, problema pa rin ang pagsabay-sabayin ang pagaaral at pagtatrabaho.

Sa kabila ng lahat, nananatiling matatag at patuloy na naniniwala si Kate sa mga katagang “If there’s a will, there’s a way.”

“Siguro kapag nakalampas ka na sa ika nga eh ‘starting stage’ ang hamon mo na ay panatilihin ang momentum, panatilihin na mataas ang sales, panatilihin na ayos parin ang quality at paano mapapalago ang negosyo. Maraming private individuals ang nagsasabing gusto nila maginvest sa negosyo ko, kahit mga ninong at ninang kong OFW, gusto nila akong pagkatiwalaan sa pera nila. Nung narinig ko yon, lubos kong ikinatuwa na ang laki ng tiwala nila sa akin. Siguro, aaralin ko pa ang aspetong yon bago ko siya ialok sa iba, para habang lumalago ang negosyo ko, makatulong rin ako sa iba “ kwento ni Kate.

Punong-puno ng pag-asa si Kate at motibasyon para maiahon ang kanyang sarili at pamilya sa kanilang kinalalagyan ngayon.

Hanggang isang araw sa kanyang paggising…

Nakita niyang may mensahe sa kanya ang Preview. Ph dahil naisama ang Shop Hola sa ‘5 online shops where you can buy nipple covers under 500’ at gaya nga sa title ay edge niya ang budget-friendly para sa mga hubaderas-on-a-budget.

“Sa totoo lamang, minsan naiisip kong kulang sa atensyon ko ang negosyo ko, ngunit mapaglaro ang tadhana” ani pa ni Kate.

Dito pa lang nagsisimulang mabuo ang kanyang mga pangarap. Ika nga ni Kate “tandaan, kung hindi mo tatayaan, hindi mo malalaman. Malay mo yung “business idea” mo na idea mo pa lang, yan ang magbibigay ng kita sayo. Kaya, simulan mo na ngayon. Kasi kung hindi mo sisimulan ngayon, kailan?”