ANGONO, RIZAL IDINEKLARANG DRUG-CLEARED MUNICIPALITY

📷 PIA RIZAL

Alynna Marie Calayag

Idineklarang “drug-cleared” ang munisipalidad ng Angono ayon sa Angono Municipal Public Information Office. Kabilang dito ang sampung barangay ng Kalayaan, Poblacion Ibaba, San Roque, Sto Nino, Bagumbayan, San Pedro, Mahabang Parang, Poblacion Itaas, San Vicente at San Isidro.

Ayon kay Mary Joy Esconde, Angono PIO Chief, ibinatay ang deklarasyon sa inilabas na report ng Calabarzon Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing Operation at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Naunang naideklarang drug-cleared ang barangay Kalayaan, Poblacion Ibaba, San Roque, Sto Nino, at Bagumbayan, ngunit matapos ang isinagawang validation ay nakumpirma na rin bilang drug-cleared ang lima pang natitirang mga barangay.

Kasabay nito ay patuloy pa rin ang panghihikayat ng munisipalidad ng Angono na hindi pa rin dapat magpakampante at kinakailangan pa rin ipagpatuloy ang mahigpit na pagbabantay laban sa iligal na droga.

Hinimok naman ni Vice Mayor Gerry Calderon ang pulisya na pagtibayin pa ang kampanya laban sa illegal na droga.

Sa kasalukuyan ay nakikipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa 10 barangay at mga lokal na establisyemento  upang gawing posible ang paglalagay ng close-circuit television cameras o CCTV na makatutulong sa pag-monitor ng peace and order situation sa munisipalidad.