AKSIDENTE SA MOTORSIKLO, 2 PATAY

Ylou Dagos

Patay ang dalawang katao sa magkasunod  na aksidente ng motorsiklo sa magkahiwalay na lugar sa Batangas kagabi.

Dead on arrival sa  Virgen Maria Sto Rosario District Hospital sa bayan ng Rosario ang rider na si Harold Estoce, 30 anyos, isang merchandizer at residente ng Brgy. Pallocan West, Batangas City.

Ayon sa report ng pulisya, minamaneho ng biktima ang Yamaha Mio motorcycle nang salpukin ng kasalubong na Isuzu Dropside truck sa national highway ng  Brgy. Masaya, Rosario dakong  8:50 ng gabi.

Nag-overtake umano ang motorsiklo sa isa ring motorsiklo kaya nag-abot ang dalawang sasakyan sa linya ng truck.

Nakaladkad pa ng truck ang motorsiklo patungo sa shoulder ng highway.

Nasa kostudiya na ng Rosario police ang driver ng truck na si Arnel Plantinos, 41 anyos, taga Lucena City.

Samantala sa bayan ng San Jose, Batangas, patay ang babaeng backrider na si Helen Marabe, 54 anyos, matapos na ang kinaangkasan nitong motorsiklo na minamaneho ng manicurist na si Mely Papa ay mag slide sa highway sa Brgy. Balagtasin 1st dakong ala 1:30 ng madaling araw.

Ayon sa police report nawalan ng kontrol sa manibela si Papa kaya natumba ang motorsiklo at humampas ang ulo ng biktimang si Marabe sa sementadong kalsada.

Idineklarang dead on arrival ang biktima  sa Metro San Jose Medical Center samantalang nagtamo naman ng mga minor injuries ang driver ng motorsiklo.