EX-ARMY  PATAY SA PAMAMARIL

Ylou Dagos

Patay ang isang senior citizen na  dating miyembro  ng Philippine Army (PA) matapos barilin  ng hindi nakilalang suspek  sa harap ng kanyang bahay sa Brgy. Anglas, Cavinti, Laguna kagabi.

Kinilala ng Cavinti police ang biktima na si Zacarias Sorongon, 67 anyos,ex-army at kasalukuyang caretaker ng isang  farm sa  naturang bayan.

Batay sa report, dakong alas 7:40 ng gabi nang dumating ang suspek sa bahay ng biktima at tinawag ito.

Nagkunwari umanong may itatanong ang suspek subalit nang lumapit ang walang kahina-hinalang biktima ay bigla na lamang itong pinagbabaril ng ilang beses.

Nagtamo ito ng mga tama sa ibat-ibang bahagi ng katawan at namatay noon din.

Tumakas naman ang suspek na sumakay sa isang motorsiklo na ipinarada sa hindi kalayuan sa bahay patungo sa direksyon ng bayan ng Luisiana.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa krimen.