4 NA PROBINSIYA  AT ILANG LUGAR SA CALABARZON, ALERT LEVEL 1 PA RIN

Marlon Luistro

Mananatili pa rin sa Alert Level 1 ang classification ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas at Rizal gayundin ang ibang lugar sa lalawigan ng Quezon hanggang Hunyo 30.

Ito ay inanunsyo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) noong ika-15 ng Hunyo, na siyang pinakahuling alert level classification na ilalabas sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Nasa parehong Alert Level din ang Lucena City pati na ang Tayabas City, Atimonan, Candelaria, Dolores, Lucban, Mauban, Pagbilao, Plaridel, Polillo, Quezon, Sampaloc, San Antonio, Tiaong at Unisan.

Nasa Alert Level 2 naman ang mga nalalabing bayan sa lalawigan ng Quezon.

Sa latest report ng DOH Calabarzon mula ika-15 ng Hunyo ay may 25 panibagong kaso ng COVID ang nadagdag kayat umabot nasa 499,465 ang kabuuang kaso ng sakit sa rehiyon.

Sa nasabing bilang, 151 ang aktibong kaso o mga nagpapagaling pa habang 499,465 naman ang gumaling at 13,468 na ang mga nasawi simula nang magkapandemya dalawang taon na ang nakararaan.

Sa nasabi pang ulat ay lumalabas na ang lalawigan ng Cavite ang may pinakamaraming aktibong kaso sa rehiyon na may 52, kasunod ang Batangas at Rizal na may tig-35, may 19 aktibong kaso ang Laguna, 10 ang sa Quezon habang wala namang aktibong kaso ang Lucena City.

Sa ilalim ng Alert Level 1 ay pinapayagan na ang intrazonal at interzonal travel nang hindi isinasaalang alang ang edad at comorbidities.

Samantalang pinapayagan naman ang lahat ng establisimiyento, mga tao o aktibidad na mag-operate ng full capacity basta sumusunod sa minimum public health standards.

Pinapayagan din ang face to face classes para sa basic education batay na rin sa approval ng Office  of the President.