7 WATER PUMPING STATION SA AGONCILLO, BATANGAS, POSITIBO SA ARSENIC

📷 Magandang Agoncillo Batangas FB Page

Marlon Luistro

Agoncillo, Batangas – Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ng Agoncillo, Batangas ang mga residente sa mga barangay na nasasakupan ng pitong (7) water pumping station na nagpositibo sa Arsenic, na huwag munang inumin at gamitin sa pagluluto ang tubig dito.

Kabilang sa mga lugar na nagpositibo sa Arsenic ay ang mga Barangay Banyaga, Bilibinwang, Pansipit, Subic Ilaya at Subic Ibaba.

Ang pagsusuri ay isinagawa noong Hunyo 14 at 15, 2022. Nagnegatibo naman ang 10 water pumping station.

📷 Magandang Agoncillo Batangas FB Page

Kabilang sa mga nagsuring eksperto ay sina Dave Gabriel Cadungog ng Philippine Nuclear Research Institute katuwang sina  John Francis Bilog, PAMB-DENR, at Emmylou De Chavez, Agoncillo Rural Health Unit Sanitary Inspector.

Lumabas sa pagsusuri na umabot sa mahigit 10 parts per billion ang lebel ng Arsenic sa tubig sa nasabing lugar na ayon sa mga eksperto ay hindi ligtas inumin.

Ang 10 pbb ang itinakdang pamantayan ng World Health Organization (WHO)  at Philippine National Standards for Drinking Water para masabing ligtas inumin ang tubig.

“Ang pamunuan po ng ating Pamahalang Bayan partikular ang ating Municipal Health Office (MHO) ay patuloy na nakikipag ugnayan sa mga kinauukulan at sa pamunuan ng mga Water District dito sa ating bayan upang gumawa ng mga hakbang na makakatulong para  masolusyunan ang krisis na ating nararanasan,” ayon sa pahayag ng Agoncillo LGU na  inilabas sa kanilang Facebook page na Magandang Agoncillo Batangas noong ika-15 ng Hunyo, Miyerkules.

Sinabi rin ng lokal na pamahalaan na nakatakdang muling suriin ang mga tubig sa Water Pumping Stations dito sa kanilang bayan sa susunod na buwan upang patuloy na ma-monitor ang kalagayan at kalidad ng tubig nito.

Ang arsenic ay mapanganib sa kalusugan at maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit.

Sa naunang pahayag ay sinabi ng hepe ng Batangas Medical Center Toxicology Center na si Dr. Rhodora Reyes na posibleng magkaroon ng kanser sa baga at pantog, diabetes, altapresyon, stroke, at atake sa puso ang mga na-expose sa arsenic.