SIR JONAS, ANG GURONG TRIPLE KARA SA QUEZON

“Hold on to your dreams and do something to make it real”

Ito ang mga salitang pumukaw sa puso ni Jonas Baclao, 23 years old na isang professional licensed teacher, photographer at choreographer mula sa Barangay Hondagua, Lopez, Quezon.

Nakitaan umano siya ng kanyang adviser sa school publication ng potential sa pagkuha ng mga larawan, kaya’t isinabak siya sa photojournalism ng Division School Press Conference (DSPC) at naka sungkit ng ika-5 pwesto na sumali sa buong Quezon Province.

Ito ang naging dahilan kung bakit niya pinagpatuloy ang larangan ng photography. Ito na rin ang naging dahilan kung bakit unti-unti siyang nakikilala sa Hondagua at naiimbitahang mag cover ng mga events gaya ng kasal, binyag, at debut.

Lingid sa kaalaman ng marami, sa kabila ng magagandang larawan ay isang photographer na walang kagamitan at nanghihiram lamang.

Hindi naman natapos ang pangarap niya sa kawalan ng kagamitan, bagkus ang mga kliyente ang naghahanap ng paraan at naging kadahilanan kung bakit siya’y nakahiram ng pera sa kanyang tiyuhin upang makabili ng sariling camera.

Di naman kalaunan, ay nasuklian naman agad nito ang kanyang tiyo at ginawang makabuluhan ang kaniyang pagiging photographer at dancer.

“Ngayon, nagbago na ang lahat, masasabi ko na araw araw, kumikilos ang Panginoon sa aking buhay. Ngayon, nakakabili na ng sariling mga gamit. Lahat yun ay kilos ko, lahat yan trinabaho ko”

Maliban sa pagiging photographer ay isa ring mahusay na mananayaw at choreographer si Jonas.

Kasama ang kaniyang mga kapatid ay nagpo-post sila ng kanilang mga dance covers sa facebook at tiktok.

Sa sobrang husay niya ay gumawa ng ingay ang cover ni Jonas sa kantang “Lalisa” at na-feature sa Candy Magazine.

Naging mahalaga rin ang limang taon ni Jonas na napuno ng pagkapanalo bilang isang choreographer sa kanilang bayan. Ayon sa kaniya, kakaibang saya at kumpiyansa sa sarili ang naibibigay ng pagsasayaw. Tila nakakalimutan niya ang kanyang mga insecurities at nagiging ibang Jonas na siya kapag nagsimula nang tumuntong sa entablado.

Si Jonas ay isa sa mga magandang ehemplo na hindi hadlang ang kahirapan para hindi maabot ang mga kagustuhan sa buhay. Ika nga niya, dumiskarte ka kung alam mong salat ka sa buhay. Ibahin mo ang ikot ng iyong mundo at gumawa ka ng sarili mong landas na magiging masaya ka habang ginagawa mo ang iyong gusto, basta’t wala kang tinatapakan na tao.

Nag iwan naman ng mensahe si Sir Jonas para sa mga nangangarap na kabataan:

“Napakahalaga ng suporta ng mga magulang. Kung saan man dalhin ng pangarap ang inyong mga anak, sana nandun kayo para suportahan sila. Iba ang magiging resulta kapag gusto ng mga anak ninyo ang ginagawa nila. Dahil danas ko yan, laging nandyan ang parents ko nakasuporta sa amin sa kahit anong passion man meron kami. Yung tipong ako na mismo ang sumuko before sa talent ko pero sila pa rin yung nagpupush to keep that fire burning.”

Iba’t-ibang himig ang nagpapagalaw sa buhay ng bawat tao, nasa atin ang pagkakataon upang makinig na lamang o sumayaw sa indak ng buhay kasabay ng paghubog ng ating pagkatao at talento.

Katulad ni Jonas na maraming kakayahang ipinapamalas ngunit tumutungo pa rin sa tamang landas, tungo sa kanyang pangarap.