TANKER NG LANGIS, NABAWI SA MGA HI-JACKERS

Ylou Dagos

Naunsyami ang ginawang pang-aagaw ng apat na kalalakihan sa isang tanker matapos mahabol ng mga awtoridad at mabawi ang naturang sasakyan sa Sariaya, Quezon Miyerkules ng umaga.

Batay sa report ng Sariaya police, sapilitang inagaw ng apat na kalalakihan ang oil tanker na pag-aari ng 4M Transport & Sales Corporation habang ito ay kalalabas pa lamang sa compound ng Azora Oil Depot sa Brgy Castañas dakong alas 4:15 ng madaling araw.

Ayon sa driver ng tanker na si Eman Molejon, 28 anyos, taga Atimonan, Quezon, dalawa sa mga suspek ang sumakay sa tanker at tinutukan siya ng baril.

Inutusan siyang ilabas sa Eco tourism road ang sasakyan at saka siya pinalipat sa back seat, piniringan at iginapos ang mga kamay.

Makalipas ang ilang minuto, ibinaba ang driver at saka itinakas ng mga suspek ang tanker patungo sa direksyon ng Batangas.

Nakahingi naman ng tulong ang driver sa dumaang mobile patrol ng Sariaya police at hinabol ang truck.

Naabutan ito sa junction ng Eco Tourism Road, Brgy Manggalang Bantilan, subalit mabilis na nakatalon ang mga suspek at nakawala matapos na magsitakbo sa madilim at masukal na bahagi ng lugar.

Subalit nakilala rin ang mga suspek matapos maiwan ng isa sa kanila ang kanyang cellphone sa truck.

Kinilala ng Sariaya police ang mga suspek na sina Vincent Reyes 31, anyos, taga Brgy. Lual Barrio, Mauban, Quezon, Phillip Magtanggol, isang alias Joli at isang alias Joey.

Hindi naman nagalaw ng mga suspek ang karga ng tanker na 10,000 litro diesel at 10,000 litro ng unleaded gasoline na nagkakahalaga ng mahigit P1.5 milyong piso.

Natangay naman ng mga suspek ang dash cam ng tanker.

Patuloy pa ang malalimang imbestigasyon ng mga awtoridad at patuloy din ang manhunt operation sa mga suspek.