EXTRA BONGGANG ALAGA PET SHOW

Marlon Luistro

Sa Lipa City, Batangas, isang kakaibang fashion show ang natunghayan ng mga manonood.

Sa halip na mga tao lang ay kasama nilang rumampa sa catwalk ang kanilang mga alagang aso, pusa at iba pang mga pets sa ginanap na Extra Bonggang Alaga Petshow noong Miyerkules ng umaga sa Lipa City Hall.

Kinabilangan ito ng mga pet lovers and owners participants kasama ang kanilang mga bibo at mga cute na cute na pets.

Game na game na rumampa ang 40 kalahok, mapa-Shitzu man, Poodle, Pomeranian, Chow-chow, Persian Cat man, Siamese cat man o iba pang mga lahi, suot ang kanilang magagarang mga costumes para magtagisan sa paglakad sa stage.

Hinati sila sa cutest pet, malu pet, pooch fashionista / best dressed dog at posh pussy / best dressed cat category.

Agaw pansin sa audience ang Pomeranian na si Mallory na nag-ala Wonderwoman. Kung paseksihan at paiksian din lang ang pag-uusapan ay di rin padadaig ang isa pang Mini Pinscher na ito na rumampa kasama ng amo sa stage suot ang ballet dress.

Bilib na bilib din ang mga manonood nang makita nila ang Shitzu na si Candy na naka-tribal costume kasama ang kanyang amo gayundin ang asong na nag ala- majorette.

Mala-Kobe Bryant naman ang porma ng mixed breed dog na si Blacky na tinilian din ng kanyang mga taga-hanga.

Mayroon ding asong nag-ala cowboy, meron ding nag ala- doctor habang ang iba namay nagsuot ng pajama at polo shirt.

Di rin padadaig ang mga pusa gaya na lamang ng Persian cat na si Wendy na rumampa suot ang kanyang magarbong gown.

Nakakuha ng first place para sa malupet award ang asong si Mallory na nag ala Wonderwoman kasama ang among si Alexa.

Habang nagchampion naman sa best dressed dog category ang ChowChow na si Magic.

Champion din sa best dressed cat category ang Persian cat na si Wency.

Habang first place naman sa cutest pet category ang asong Shitzu na si Luffy na nakagown costume.

Para sa mga nagwagi sa best dressed cat at best dressed dog category, ang first placer ay tumanggap ng P3000, trophy at gift pack, nasa P2000 plus gift pack naman ang tinanggap ng nasa ikalawang puwesto habang tumanggap ng P1000 plus gift pack naman ang 3rd placer.

Ang mga nanalo sa cutest pet category ay tumanggap ng P5000, trophy at gift pack ang first place, P3000 at gift pack ang 2nd place habang P2000 at gift pack naman ang 3rd place.

Ang mga nagwagi naman sa malupet category ay tumanggap ng P7000 plus trophy at gift pack ang 1st place, P5000 at gift pack ang 2nd place at P3000 at gift pack ang 3rd place.

Bawat isa sa mga sumali naman ay tumanggap din ng consolation prize mula sa mga sponsors kayat walang umuwing luhaan.

Ang pet show ay bahagi ng pagdiriwang ng 75th Foundation day ng Lipa City.
Sa kanyang talumpati bago ang pacontest ay binigyang halaga ni Mayor Eric Africa ang pagpopromote ng responsible pet ownership.

“Hindi rin natin pwedeng kalimutan siyempre yung ating mga alaga. Dahil ang isang tao po talaga ay nasusukat ang kanyang pagkatao kung gaano po siya kagaling at kagandang makitungo especially sa mga pets po natin,” aniya.

Kailangan din aniyang hikayatin ang mga batang mag-alaga ng mga hayop dahil dinedevelop nito ang kanilang karakter at pag-uugali pag mayroong alagang hayop.

Higit na importante pa aniya ito ngayong panahon ng pandemya kung saan “kulang sa komunikasyon” ang mga bata sa kanilang mga kapwa kaklase at mahalagang mayroon aniyang alagang mga hayop “na pupuwede nilang pagkaabalahan.”