MAGKAAWAY NAGDUWELO SA BARIL, TODAS

Ylou Dagos

Kapwa natodas ang dalawang lalaki matapos magduwelo gamit ang tig-isang baril sa Candelaria, Quezon noong Biyernes ng gabi, Hunyo 17.

Ayon sa report ng pulisya, nakilalaang mga namatay na sina sina Roel Macasaet, 52, residente ng Brgy. Masin Norte at si Dennis Patulot, 36, residente ng kalapit na barangay na Brgy. Bukal Norte.

Batay sa report ng Candelaria police, dakong alas 10:30 ng gabi nang dayuhin ni Patulot sa kanyang bahay si Macasaet at kinompronta hinggil sa hindi natukoy na alitan.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na humantong sa pagbunot ng baril ni Patulot at binaril si Macasaet.

Bagamat may tama, nakabunot din ng baril si Macasaet at nakaganti ng putok.

Nagkaroon ng palitan ng putok hanggang sa parehong bumulagta ang dalawa.

Nahagip din ng ligaw na bala ang misis ni Macasaet na si Lucia Macasaet.

Tumakas naman ang hindi nakilalang kasama ni Patulot.

Narekober sa crime scene ang isang cal. 38 revolver na hinihinalang pag-aari ng isa sa nasawi at mga basyo ng isang hindi matukoy na kalibre ng baril. Hindi naman malaman kung saan napapunta ang isang baril.

Patuloy pa ang imbestigaston ng Candelaria police habang inaalam pa kung sino ang tumakas na suspek at kung may partisipasyon ito sa pamamaril.