NAGDIWANG NG FATHER’S DAY NALUNOD

Ylou Dagos

Patay ang isang lalaki matapos malunod sa dagat habang ang kanyang pamilya ay nagseselebra ng Father’s day sa isang beach sa Calauag, Quezon nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Wilfredo Adornado, 49 anyos, residente ng Barangay Mulay sa nasabing bayan.

Batay sa report ng Calauag police, mag aalas 10:30 ng umaga nang madiskubre ang wala ng buhay na katawan ng biktima na nakalubog sa tubig sa may bahagi ng taniman ng bakawan sa nasabing baybay-dagat.

Ang biktima ay kasama ng kanyang mga kaibigan at kapamilya na nagpi-picnic sa “Mag-asawang Bato” beach resort bilang pagdiriwang ng Father’s day.

Nasa kanilang nirentahang floating cottage ang magkakasama nang mapansin ng mga itong nawawala ang biktima.

Sinubukan pang isalba ng mga kaanak ang biktima at binigyan ng first aid subalit tuluyan na itong binawian ng buhay.