NEGOSYANTE NIRATRAT NG TANDEM SA KOTSE SA  BATANGAS

📷 Photo Batangas PNP

Ylou Dagos

Patay ang isang negosyante matapos na ito ay ratratin ng riding in tandem suspect habang papauwi sa kaniyang bahay sakay ng SUV  sa Mabini, Batangas Linggo ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Marlon De Torres Olla, 47 anyos, residente ng Brgy. San Francisco at may-ari ng Jhulimar junkshop and hauling services.

Batay sa report ng Mabini police, dakong alas 8:30 ng gabi, nagmamaneho ang biktima ng kanyang SUV na Hyundai Sta. Fe at papauwwi na sa kanyang bahay habang tinatahak ang Bauan-Mabini national highway nang pagsapit sa Barangay San Juan ay lagpasan ito ng isang walang plakang motorsiklo na sinasakyan ng magkaangkas na mga suspek.

Pagtapat sa biktima ay pinaulanan ito ng bala ng backrider gamit ang hindi natukoy na  maiksing   baril. 

Nagtamo ito ng mga tama sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Mabilis na tumakas ang mga hindi nakilalang mga salarin.

Isinugod pa ang biktima sa ospital subalit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.

Patuloy naman ang imbestigasyon at inaalam pa ang motibo sa pamamaril at kung sino ang mga suspek.