BABAENG KAGAWAD, HINOLDAP AT PINATAY SA BATANGAS

BABAENG KAGAWAD, HINOLDAP AT PINATAY SA BATANGAS

Ylou Dagos

Patay ang isang babaeng barangay kagawad sa panghoholdap na nangyari sa Nasugbu, Batangas noong Lunes.

Kinilala ang Nasugbu police ang biktima na si Gloria Fayton, residente at kagawad ng Barangay Latag.

Ayon sa report ng Nasugbu police, Martes ng umaga nang nadiskubre ng magsasakang si Mariano DeLa Roca ang bangkay ng biktima na  nakasubsob sa lupa sa liblib na lugar ng Sitio Bernanda.

Sa inisyal na imbestigasyon, natuklasan ng mga imbestigador na may sugat ito sa ulo na umano ay pinalo ng matigas na bagay  na siya nitong ikinamatay.

Ayon kay PLTCOL Jephte Banderado, hepe ng Nasugbu police, panghoholdap ang nakikitang nilang motibo sa krimen matapos madiskubre na nawawala ang dala nitong P50,000.00 cash na pinagbentahan nila ng baka noong araw ng Lunes.

Bago ang krimen, pinuntahan ng biktima ang anak nitong lalaki na nakikipag-inuman sa isang lugar sa kanilang barangay upang kunin ang perang pinagbentahan ng baka at saka naglakad papauwi sa kanilang bahay.

Ayon pa dito, nakita pa ng isang  babaeng witness ang biktima noong Lunes ng gabi habang kasama ang isang  lalaki na kasabay nitong naglalakad bago nangyari ang krimen.

Hindi naman nakilala ng witness ang lalaki dahil nakatalukbong ito sa ulo.

Person of interest ngayon ng Nasugbu police ang nasabing lalaki na ayon sa hepe ay malaki ang posibilidad na taga doon din lamang sa nasabing barangay at kakilala ng biktima.