COVID CASES SA CALABARZON, TUMAAS NG 102% SA LOOB  NG 1 LINGGO

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas – Umabot na sa 277 ang aktibong kasong naitala sa Rehiyong Calabarzon noong ika-21 ng Hunyo, batay sa ulat ng Department of Health (DOH).

Mataas yan ng 102 porsyento kumpara sa 137 aktibong kaso na naitala noong ika-14 ng Hunyo.

Sa ulat ng Health Education and Promotion Unit ng DOH-Calabarzon, 46 na  panibagong kaso ang naitala kayat mula Hunyo 21 ay umabot na sa 499,792 ang kabuuang bilang ng COVID cases sa rehiyon kung saan 277 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa.

Tatlumput apat naman ang mga bagong gumaling sa sakit kayat umabot na sa 486,044 ang bilang ng recoveries habang nananatili naman sa 13,471 ang bilang ng mga namatay sa COVID simula nang magkapandemya dalawang taon na ang nakararaan.

Ayon pa sa tala ng DOH-Calabarzon, ang lalawigan ng Cavite ang may pinakamaraming aktibong kaso ng COVID na may 119, kasunod ang Batangas na may 53, habang pumangatlo naman ang lalawigan ng Rizal na may 48 active cases.

Mayroon namang pitong aktibong kaso ang lalawigan ng Quezon habang isa ang sa Lucena City.

Nauna nang sinabi ng DOH nito lamang ika-20 ng Hunyo na patuloy na tumataas ang mga kaso ng COVID sa buong bansa bagaman tiniyak ng ahensyang wala namang surge sa panibagong mga kaso.

Noon lamang nakaraang linggo ay nagtala ang bansa ng 2,458 panibagong kaso na kung susumahin ay aabot sa 60 hanggang 70 porsyento ang pagtaas sa bilang ng COVID infections.

Bagaman patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID ay nauna nang inanunsyo ng IATF na mananatili sa Alert Level 1 hanggang katapusan ng buwan ng  Hunyo ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas at Rizal.

Nasa parehong Alert Level din Lucena City pati na ang Tayabas City, Atimonan, Candelaria, Dolores, Lucban, Mauban, Pagbilao, Plaridel, Polillo, Quezon, Sampaloc, San Antonio, Tiaong at Unisan.

Nasa Alert Level 2 naman ang mga nalalabing bayan sa lalawigan ng Quezon.