MGA MAGSASAKA SA BATANGAS TINURUANG MAGING ENTREPRENEUR

📷 SM City Lipa

Lyka Manalo

‘Harvest time’ na para sa mga magsasakang sumailalim sa pagsasanay mula sa Kabalikat sa Kabuhayan on Sustainable Agriculture Program (KSK-SAP) dahil tampok ang kanilang mga produktong sariwang gulay at prutas sa KSK Farmer’s Market Day sa ground floor ng SM City Lipa.

Ang KSK-SAP ay isa sa mga programa na inilunsad ng SM Foundation Inc. (SMFI) para sa mga magsasaka, katuwang ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Trade and Industry (DTI).

Layunin ng programa na matulungan ang mga magsasaka na sumailalim sa mga pagsasanay kung paano makakapagtanim at makakapag-ani ng mga de kalidad na produkto  lalo’t higit ay ang pagkakataon na maibenta ang kanilang mga naani  sa merkado.

Ang kanilang mga produkto ay itinatampok sa mga pop-up booths ng SM Malls. Ito ay patuloy na isinasagawa upang matututong maging entrepreneur ang mga masasaka sa gitna ng mga suliraning pang-ekonomiya, limitadong espasyo ng lupang sakahan at pabago bagong kondisyon ng panahon.

Ilan sa mga beneficiaries sa probinsiya ng Batangas ay mga nagtapos mula sa bayan ng Padre Garcia mula sa batch 228 ng KSK-SAP.

Tampok ang kanilang mga produktong sariwang prutas at gulay sa Farmer’s Market Day sa SM City Lipa tuwing araw ng Biyernes.