P1.6M HALAGA NG MARIJUANA NASAMSAM SA RIZAL

📷 Police Regional Office 4A Facebook Page

Rachel Faith Mago

Arestado ang dalawang drug trafficker sa pagkakasamsam ng 1.6 milyong halaga ng marijuana kahapon, June 23, sa Melendrez Subdivision Brgy. Dolores,Taytay, Rizal.

Ang surveillance at intelligence gathering ng pulisya ay nagresulta sa pagkakaaresto kay Jomar Vergara y Pedrera alyas “Jomar”, 19 taong gulang at kasalukuyang naninirahan sa Zone-10 Brgy. San Roque, Antipolo City at Edgardo Claudio y Acuña alyas Barry”, 25 taong gulang at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. San Isidro, Antipolo City.  Ang dalawa ay kinilala bilang High Value Individual.

Ayon sa pulisya, nag-abot ang dalawa sa police poseur buyer ng isang zip lock plastic sachet na naglalaman ng marijuana kapalit ng marked money.

Sa kabuuan, nasamsam ang labinlimang (15) piraso ng cling wrapped plastic na naglalaman ng mga tuyong dahon na hinihinalang marijuana na may tinatayang gross weight na humigit-kumulang 16 kilos at may tinatayang street value na Php 1,600,000.00, kabilang ang mga eco bag, marked money at iba pang narekober na pera.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, nakatanggap ang mga operatiba ng pulisya ng impormasyon mula sa isang confidential informant na mayroong napapadalas na pagbebenta ng iligal na droga sa Melendrez Subdivision, Brgy. Dolores, Taytay Rizal, kung saan isang alyas na “JOMAR” ang nasa likod ng nasabing aktibidad.