TRADITIONAL AT ALTERNATIVE MEDICINE CENTER BINUKSAN SA LAGUNA

Isang Traditional Complementary at Alternative Medicine (TCAM) Center ang binuksan ng Department of Health Center for Health Development CALABARZON at Alliance of Health Oriented Neighbors (AHON) Inc. sa rural health unit ng Pagsanjan sa Laguna. 

Ayon kay DOH Regional Director Ariel I. Valencia, mahalagang maisama ang tradisyunal at alternatibong pamamaraan ng gammutan na makakatulong sa pag-iwas at pamamahala ng iba’t ibang lifestyle related diseases. 

“The opening of TCAM Center is our continuing testament to promote traditional and alternative healthcare methods despite the prevalence and advancement of modern modes of healing. This center serves a purpose to the people who want long-established ways of dealing with their illnesses and to improve their mental and physical well-being,” ani Valencia.

“Makabubuti rin ang ganitong pasilidad sa mga nakatatanda dahil sa sila ay prone sa iba’t ibang uri ng mga karamdaman. Mababawasan ang kanilang pagiging dependent sa mga iniinom na mga gamot sa pamamagitan ng tradisyunal at alternatibong paraan ng gamutan,” dagdag pa nito.

Kabilang sa mga serbisyong hatid ng TCAM ang acupuncture, yoga, ventosa, eye and body massage, spa, moxibustion at herbal medicines.

Mayroon ding technology-related modalities tulad ng live blood analysis, disease prevention analysis, high potential therapy at biozapper.

Ayon kay dating DOH-CHD Calabarzon Regional Director Eduardo C. Janairo na syang nagpakilala ng naturang programa sa rehiyon, layon ng pagtatayo ng TCAM center na muling maipakilala ang mga tradisyunal at alternatibong pamamaraan ng gamutan sa healthcare system.

“Bilang tourist capital ng Laguna, kayo ang titingnang modelo ng ibang bayan sa paghahatid ng serbisyong medikal sa makaluma at alternatibong mga pamamaraan. Mas makikilala ng mga tao ang mga benipisyo na dulot nito sa pag-iwas sa iba’t ibang uri ng mga sakit at pagpapalakas ng immune system na hindi nangangailangan ng pag-inom ng iba’t ibang klase ng mga gamot,” ani Janairo.

Noong nakaraang Marso, binuksan ang kauna-unahang TCAM center sa rehiyon sa Batangas Medical Center.  Magkakaroon rin ng TCAM center sa bayan ng Majayjay sa Laguna.