ILOG SA LIAN, NADALE NG FISH KILL, LGU SINISISI NG MGA RESIDENTE

Ylou Dagos

Tinamaan na naman ng fish kill ang ilog sa Lian, Batangas at isinisisi naman ito ng mga netizen sa kanilang LGU. 

Ayon sa mga netizen, hindi umano ngayon lamang nangyari ang fish kill sa ilog.

Halos isang dekada na anila itong paulit-ulit na nangyayari at isinisisi sa ilang pabrika na nasa baybay-ilog ang pangyayari.

Dagdag pa ng mga netizen, tatlong pabrika ang sabay-sabay na nagtatapon ng nakalalasong kemikal sa ilog at isinasabay ito kapag umuulan at hindi umano ito lingid sa kaalaman ng mga opisyal ng bayan.

Alam naman anya ng lokal na pamahalaan na polluted na ang ilog na kagagawan ng mga planta sa kabila ng maraming residente ng Lian at Nasugbu ang umaasa ng kabuhayan sa pamamagitan ng pangingisda sa ilog.

Ayon pa sa mga residente, kapansin pansin din ang pagbabago ng kulay at amoy ng tubig sa ilog kapag nagaganap ang fish kill.

Dahil don, nananawagan ang mga residente sa mataas na opisyal ng DENR at pamahalaang nasyunal na aksyunan ang problema sa kanilang ilog.

Samantala, agad namang nag-imbestiga ang lokal na pamahalaan at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at kumuha ng sample ng tubig para malaman kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda.

Pansamantala ding ipinagbawal muna ang pangingisda sa nasabing ilog.

Base sa Facebook post ng Lian LGU, nangyari ang fish kill noong Linggo ng tanghali.

Wala pa namang pahayag ang LGU kaugnay sa nasabing usapin.