18-ANYOS NA DALAGA PUMALAG SA MANYAK NA PULIS

Ylou Dagos

Nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness ang isang pulis matapos na magharap ng reklamo sa pulisya ang isang 18-anyos na dalaga sa Sto. Tomas City, Batangas.

Batay sa report ng Sto. Tomas City police station, Miyerkules ng hapon nang magtungo sa himpilan ang biktimang si alyas “Krystal” upang ireklamo nag isang 51-anyos na police officer.

Ayon sa pahayag ni Krystal nangyari ang insidente noong dakong alas 10:00 ng gabi ng June 24 matapos siyang sunduin ng pulis sa kanyang part time job sa Brgy. San Roque, Sto. Tomas City.

Ayaw sanang sumama ng dalaga subalit napilitan umano ito matapos na kumpirmahin ng kanyang tiya na kasama niya sa inuuwiang bahay na susunduin siya ng pulis.

Pagkasakay umano ng biktima sa isang itim na van, namalayan na lamang nito na dinala siya ng pulis sa isang hotel sa naturang lungsod.

Inutusan umano ng suspek ang dalaga na bumaba sa sasakyan at pumasok sa isa sa mga kuwarto.

Dahil sa takot, pumasok ang dalaga at sumunod naman ang pulis kung saan agad siya nitong niyakap, pinaghahalikan at pinaghihipuan sa maseselang bahagi ng katawan kahit nakasuot pa siya ng kanyang damit na overall jumpsuit.

Natigil umano ang ginagawa ng pulis nang umiyak ng malakas ang dalaga.

Nagpasiya na lamang ang suspek na ihatid ang biktima sa kanyang bahay.

Patuloy pa ang imbestigasyon at hinihintay pa ng Sto Tomas City police ang affidavit ng suspek upang malaman ang katotohanan sa insidente.