BISTO SA PANGHAHALAY SA ANAK, TATAY NAGPAKAMATAY

Ylou Dagos

Hindi kinaya ng konsensya ng isang lalaki ang nabistong panghahalay nito sa kanyang dalagitang anak kaya tinapos nito ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa Sariaya, Quezon.

Wala ng buhay ng madiskubre ng nagdaraang police patrol car ang katawan ng 32-anyos na padre de pamilya, residente ng Brgy. Ibabang Iyam, Lucena, City, na nakabitin sa isang puno sa gilid ng Eco Tourism road, Sitio Centro, Brgy. Talaan Aplaya.

Ayon sa report ng Sariaya police, dakong alas 10:00 ng Huwebes ng gabi nang madaanan ng dalawang nagpapatrulyang police na sina PSSg Lowell Jess Zubia at isang Patrolman Villa sakay ng kanilang mobile patrol car ang biktima na hinihinalang nagbigti gamit ang lubid naabaca.

Wala namang nakita dito na ibang sugat sa anumang bahagi ng katawan.

Sa pagtatanong ng mga imbestigador sa misis ng biktima, sinabi nito na posibleng dahilan ng pagpapakamatay ng kanyang mister ay nang malaman nito na nagsumbong sa kanya ang kanilang 12-anyos na anak na umano ay ginahasa nito.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Sariaya police at inaalam kung walang foul play sa nangyaring insidente.