NAILANG SA NAG-OVERTAKE, RIDER TIGOK SA NATUMBANG MOTOR

Ylou Dagos

Nasawi ang isang motorcycle rider nang ang motorsiklo nito ay matumba sa highway matapos lagpasan ng isang jeepney sa National road, Brgy. Banay-Banay, Cabuyao City, Laguna Huwebes ng gabi.

Kinilala ng Cabuyao police ang biktima na si Eduardo Castillo na idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Cabuyao.

Batay sa report, dakong alas 9:30 ng gabi, magkasunod na tumatakbo ang dalawang sasakyan patungo sa isang direksyon nang lumagpas sa motorsiklo ang jeep na dumaan sa bahagi ng shoulder ng kalsada.

Ayon sa nakasaksi na isang pasahero ng jeep, nakita nito na nawalan ng kontrol ang rider sa kanyang motor pagkalagpas ng jeep at tumumba sa kalsada.

Hindi naman matiyak ng witness kung nasabitan ng jeep ang motorsiklo kaya nawalan ng panimbang ang rider.

Nakita pa anya nito na iniwasan pa ng jeep ang motorsiklo.

Agad ding isinugod ng driver ng jeep na si Risty Castro ang biktima sa ospital subalit wala na itong buhay ng idating dahil sa mga pinsala sa ulo at katawan.

Pansamantalang kinustodudiya ng Cabuyao City police ang driver ng jeep habang patuloy pa ang imbestigasyon.