SECURITY OIC, PATAY NANG MALUNOD SA BEACH SA LIAN

Marlon Luistro

Lian, Batangas – Dead on arrival sa Apacible Memorial District Hospital ang isang 33-anyos na security officer-in-charge (OIC) matapos na malunod habang lumalangoy sa may Bobet Resort sa Sitio Mt. Side, Barangay San Diego noong Linggo ng gabi.

Kinilala ang nasawing biktimang si Gilex Lapid, security OIC ng Herstal Security Agency at taga- Trece Martires, Cavite.

Sa inisyal na imbestigasyon,  katatapos lamang makipag-inuman ng biktima sa kanyang kapwa Security OIC nang magdesisyon siyang lumangoy bandang alas-6:45 ng gabi.

Sa kasamaang palad ay sinalubong siya ng malalakas na alon hanggang sa malunod ang biktima at patay na nang isugod sa ospital.

Isinantabi na ng pulisya ang  foul play sa nasabing insidente.