MGA MAGPAPAREHISTRO SA BARANGAY AT SK ELECTION PATULOY ANG PAGDAGSA

Ylou Dagos

Bagama’t walang kasiguraduhan kung  matutuloy ang Barangay at Sk Election sa Disyembre dagsa pa rin ang mga magpaparehistro sa tanggapan ng Comelec sa Lucena City.

Sa ikaapat na araw mula ng ilarga ng COMELEC ang panibagong voter registration halos araw-araw ay ganito ang sitwasyon sa COMELEC Lucena Office.

Madaling araw pa lamang ay may nagsisimula ng pumila ang mga hindi pa rehistradong botante sa lungsod para mauna sa pagpaparehistro.

Siksikan at nagtitiyagang  naghihintay  sa pila ang mga ito na ang karamihan ay mga kabataan o mga 1st time voters.

Subalit ayon kay Lucena City Elections Officer Atty. Ana Mei Barbacena, 300 katao lamang ang kaya nilang i-accomodate sa isang araw.

Ito ay dahil na rin sa kakulangan nila sa manpower at maliit nilang  tanggapan.

Dalawa din lamang ang lugar na ginagamit para sa pagkuha ng biometrics at litrato ng nagpapatalang botante.

Ayon pa kay Barbacena, eighty percent  ng mga nagpaparehistro ay mga kabataan.

Ang hindi umabot sa limit ay pinauuwi na lamang at pinababalik kinabukasan subalit panibagong pila na naman dahil sa ang panuntunan at 1st come 1st serve basis.

Bukod pila sa mga tent bago makapasok  sa entrance, pipila pa uli ang  mga magpaparehistro sa bawat step at prosesong gagawin na nasa limang step bago makatapos at tumatagal ng halos 10 minuto bawat nagpaparehistro.

Aabot lamang ng 18 araw ang pagpapatala na nagsimula noong Lunes July 4 at magtatapos sa July 23.

Ang mga tanggapan ng Comelec ay bukas mula als 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon mula Lunes hanggang Sabado.

Kabilang sa mga tatanggaping aplikasyon ng Comelec Lucena ay ang mga sumusunod: new registration, transfer from other municipality and barangay, transfer of registration records from foreign post to local, change o correction of entries, at reactivation of records.

Para sa mga SK voters kinakailangan na nasa gulang na 15 to 30 years upon registration habang 18 years old and above naman para sa mga regular voters.

Sa kabila naman ng mga usap-usapan hinggil sa suspension ng local barangay at sk elections ay binigyang diin ni Barbacena na tuloy-tuloy ang kaniyang tanggapan sa mga kinakailangang preparasyon hinggil dito.