7-ANYOS NA BATA GINAHASA AT PINATAY SA LAGUNA

Ylou Dagos

Isang pitong taong gulang na batang babae ang ginahasa at pinatay sa pamamagitan ng sakal ng dalawang lalaking tinedyer sa San Pedro, Laguna noong Miyerkules ng gabi.

Dakong ala 1:30 na Huwebes ng hapon nang makita ng mga naghahanap na kaanak ng biktimang itinago ng pulisya  sa pangalang alyas “Ava” ang bangkay nito na nasa 2nd floor ng isang abandonadong bahay sa  Dulo Purok 6,- isang looban sakop ng Barangay Landayan.

Walang  saplot na pang–ibaba at natatakpan ng  kulambo at unan mula beywang hanggang ulo, indikasyon na ginahasa ang bata at saka pinatay. May mga sugat din ito sa magkabilang binti.

Gabi pa lamang noong Miyerkules ay pinaghahanap na ito ng mga kaanak matapos mawala at hindi makauwi sa kanilang tahanan at laking gulat ng mga residente nang madiskubre ito na nasa bakanteng bahay ilang metro lamang ang layo sa kanilang tirahan.

Sa patuloy na imbestigasyon at follow up operation, naaresto noong Huwebes ng umaga ng mga barangay tanod at mga tauhan ng San Pedro City Police  ang dalawang hinhinalang may kagagawan sa krimen na kinilalang sina alyas Niño, 17 anyos at isang alyas Totoy 16 anyos, parehong residente din ng naturang looban.

Sa pulisya, inamin ni Niño na siya ang gumahasa sa biktima pero si Totoy umano ang pumatay dito sa pamamagitan ng pagsakal at pagtatakip ng unan at kulambo sa mukha nito.

Sa testimonya ni Niño, dakong alas 10:00 Miyerkules ng gabi habang nag-iinom siya ng beer,  nang dumating sa kanyang lugar si Totoy na dala-dala ang walang malay na biktima na may taling tela ang bibig.

Nagtulong umano sila na maiakyat sa 2nd floor ng bakanteng bahay ang bata kungsaan naganap ang kahalayan at brutal na pagpaslang dito.

Hustisya ang hinihingi ngayon ng pamilya ng biktima partikuklar ang 28-anyos na nanay nito  at mapanagot ang dalawang tinedyer   sa karumaldumal na krimen.

Nasa kustodiya ng San Pedro City police ang dalawang suspect na nahaharap sa kasong rape with homicide.