GALING SA HEARING, NIRATRAT

Ylou Dagos

Patay ang isang lalaking kagagaling lang sa court hearing matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa Tanauan City Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Christian Georfo, 47 anyos, tubong Pardo, Cebu City at residente ng Brgy, Banjo East, Tanauan City.

Batay sa report ng Tanauan City police, bandang alas 3:30 ng hapon, kagagaling pa ng biktima sa RTC ng Tanauan at umattend ng hearing kaugnay sa kanyang kasong Frustrated Homicide.

Naglalakad pauwi ang biktima nang hintuan ito ng isang hindi natukoy na sasakyan at paulanan ng bala.

Tinamaan ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at nahulog pa sa open canal kung saan ito binawian ng buhay.

Wala pang matukoy na motibo ang pulisya sa krimen at hindi rin matiyak kung may kaugnayan ang pagpatay sa kaso ng biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang pagkakakilanlan sa may ari ng sasakyan at sa mga suspek.