NO. 1 MOST WANTED NG QUEZON AT LAGUNA NADAKMA SA CAVITE

Ylou Dagos

Nagwakas ang mahigit 10 taong pagtatago sa batas ng isang wanted sa lalawigan ng Quezon matapos na ito ay matimbog ng mga awtoridad sa kanyang pinagtataguan sa Cavite.

Naaresto ng magkakasanib ng pwersa ng mga miyembro ng Lucena City police station, San Pablo City police station at Alfonso Cavite municipal police station ang suspek na si Mac Jay Blacer, 28 anyos sa tinitrhan nito sa Sitio Catutay, Brgy. Matagbak 1, Alfonso, Cavite dakong alas 7:30 ng umaga ng Martes.

Si Blacer na tubong Lucena City ay wanted sa mga kasong murder, rape with homicide at theft at inaresto sa bisa ng tatlong warrant of arrest na inilabas ni Hon. Judge Gilbert Garlit Godorve, Presiding Judge ng RTC Branch 30 ng San Pablo City.

Batay sa record ng pulisya, nangyari ang mga kaso ni Blacer noong September 11, 2011 sa San Pablo City kung saan pinatay sa saksak at ginahasa umano nito ang kanyang babaeng amo sa pinapasukan nitong gasolinahan.

Tinangay din ng noon ay 18-anyos pa lamang na suspek ang pera ng biktima na residente rin ng Lucena City.

Nakakulong na ang suspek ngayon sa Lucena City police station locked up cell at nakatakdang ilipat sa San Pablo City.

Walang inirekomendang piyansa ang korte sa pansamantalang paglaya ng nito.