TRICYCLE DRIVER NANUNTOK NG PULIS SA CHECKPOINT, KALABOSO

Ylou Dagos

Himas-rehas ang isang tricycle driver matapos na suntukin nito ang sumitang pulis sa kanya sa checkpoint sa Batangas City nitong Huwebes ng gabi.

Batay sa report ng Batangas City police, napara nila sa checkpoint sa city proper ang tricycle ng suspek na si Jesus Faltado , 31 anyos, construction worker, dakong alas 10:30 ng gabi.
Subalit nang hanapan ng dokumento, wala itong maipakitang driver’s license at rehistro ng tricycle.

Akmang titiketan ito ng pulis na si PCpl John Carlo Llanes nang biglang magwala ito at suntukin ang pulis na tinamaan sa dibdib.

Pinagmumura pa ng suspek ang pulis na sinabihan ng “Put…. ninyo mga pulis, huwag ninyo akong tiketan”.

Natuklasan ng mga awtoridad na lasing ang suspek kaya agad din nila itong inaresto.

Nakakulong pa ito sa Batangas City police station at nahaharap sa kasong Direct Assault and Resistance and Disobedience to an Agent of Persons in Authority at kasong paglabag sa batas trapiko.