3 PATAY SA 3 MOTORSIKLONG SUMALPOK SA 3 JEEPNEY

Ylou Dagos

Tatlong riders ang nasawi sa tatlong magkakahiwalay na aksidente na kinasangkutan ng tatlong motorsiklo at tatlo ding jeepney sa Batangas nitong araw ng Biyernes at Sabado.

Pawang nasawi ang mga driver ng motorsiklo na sina Nel Anthony Coronel, 36 anyos, taga Calamba City; Christian Jason Base , 24, taga Batangas City; at si Exquiel Maranan y Blanco, 19, taga Barangay Bagong Pook, Rosario, Batangas.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office, nangyari ang unang aksidente sa JP Laurel Highway Brgy. San Roque, Sto. Tomas City matapos na masalpok ng motorsiklo ni Coronel ang isang pedestrian dakong alas 5:00 ng umaga.

Dahil dito nawalan ito ng kontrol at sumalpok din sa rebuilt jeepney na minamaneho ni Marblend Regana ng Balete, Batangas.

Dead on arrival sa Laurel District Hospital, Tanauan City si Coronel habang ginagamot din sa ospital ang nasalpok nitong pedestrian na si Alfredo Abay.

Dead on the spot naman ang ikalawang rider na si Base, isang laborer,  matapos na ang motorsiklo nito ay sumalpok sa hulihan  ng nakatigil na jeep  sa Brgy. Cuta, Batangas City dakong alas 12:30 ng tanghali.

Sugatan din ang backrider nito na si Christian Ajay Ramos, 24 anyos.

Napag-alaman sa imbestigasyon na walang lisensya si Base at wala ding rehistro ang motorsiklo nito.

Sa Rosario, Batangas, patay din ang ikatlong rider na si Maranan, nang ang motorsiklo nito ay bumagga sa isa ding nakatigil na jeep sa national highway, Barangay Bagong pook alas 3:50 Sabado ng madling araw.

Idineklarang dead on arrival ito sa Christ the Saviour General Hospital sa  Brgy Poblacion A, dahil sa mga grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Nakaligtas naman subalit sugatan ang backrider nito na si Mark Joseph Mandigma.

Ayon sa mga imbestigador, pawang driver’s error at over speeding ang dahilan ng tatlong aksidente.