6 PATAY SA GUMUHONG PADER NG BAHAY SA TAGAYTAY

📷 Cavite PDRRMO

Marlon Luistro at Sonny Mallari

Anim na construction worker ang patay matapos bumagsak ang pader ng isang bahay sa Barangay Kaybagal Central, lungsod ng Tagaytay sa Cavite nitong Lunes ng gabi, July 11.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawing biktima na sina Ronilo Casaljay, Daniel Nesperos, William Ocong, Ramer Gamba, Jeremy Doña at Nino Velasquez.

Nakaligtas naman si Anthony Velasquez, anak ni Nino, at ang project testing engineer na si Marco Paulo Abarientos.

Sa inisyal na imbestigasyon, alas-6:20 ng gabi, nagpapahinga lamang sa kanilang barracks ang mga biktima nang dala ng malakas na pag -ulan ay bumigay ang kongkretong pader at hollow blocks ng kalapit na Hortaleza Farm at nagcollapse papunta sa barracks ng mga biktima. Ang pader na gumuho ay may taas na 6 meters at may lapad na 30 meters.

Kapwa sila mga empleyado ng 3-13 Construction na may itinatayong bahay sa naturang site.

Iniimbestigahan naman ng pulisya kung may pananagutan ang may-ari ng gumuhong pader.