
Ylou Dagos
Ipinahinto ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Bayan ng Lucban, Quezon ang isang proyektong Eco Tourism park na itatayo sana ng isang pribadong korporasyon sa bahagi ng Bundok Banahaw sa nasabing bayan.
Ito ay matapos tumutol sa proyekto ang mga residente ng Barangay Palola at mga karatig barangay kungsaan ito ilalagay dahil makakasira anya sa kalikasan.
Malapit din anila ang lugar sa kanilang water source kungsaan umaasa ng supply ng tubig ang mga taga bayan ng Lucban.
Nasa proseso na ng pagsasagawa ng nasa 20 metrong luwang na right of way at may habang 500 metro ang contractor ng pribadong kompanya na JEMAK Construction and Development Corporation.
Patungo ang kalsada sa kanilang nabiling properties na ayon sa mga residente ay sakop ng buffer zone at protected area ng bundok Banahaw.
Ang 54 hectares na lupain na pagtatayuan ng proposed Eco-Tourism Park at ang bahagi ng ginagawang access road ay nabili ng may-ari at presidente ng korporasyon na si Carnelio Pasumbal sa apat na pamilya ng nagsasaka sa naturang lugar.
Nagalit ang mga residente ng malaman na nagsagawa na ng pagbu-bulldozer at nakapagputol na ng mga puno at mga niyog kahit wala pang kaukulang permit mula sa Lucban LGU ang naturang proyekto.
Mayo pa umano nagsimula ang proyekto at nalaman lamang ng mga opisyal ng barangay na may development nang ginagawa sa bundok nitong June 21.
Nitong Lunes ay nagpatawag ng public hearing ang Sangguniang Barangay ng Palola na dinaluhan ng mga tumututol na residente, pati ang mga representative ng proyekto at ang lokal na pamahalaan ng Lucban.
Ayon sa pagpupulong, hindi pinayagan ng local Engineering office, at Municipal Planning and Development Coucil ang nasabing proyekto dahil nilalabag nito ang Republic Act No. 9847 of 2009 o kilala bilang Mount’s Banahaw-San Cristobal Protected Landscape (MBSCPL) at ang NIPAS Act.
Sa hearing, sinabi ng kinatawan ng JEMAK Construction and Development Corporation na si Jocelyn de Luna na hindi nila alam na ganoon kalaki ang kakaharapin nilang problema sa balak sana ng una na pagtatayuan lamang ng bahay bakasyunan ng mag-asawang Pasumbal kungsaan ang misis nito ay isang cancer survivor at gustong manirahan sa tahimik at lugar na malayo sa polusyon.
Ayon pa dito naawa lamang si Pasumbal sa mga may-ari ng lupa na ipinag-aalukan na ang kanilang mga lupain dahil hindi na kayang sakahin at taniman.
Subalit hindi kinagat ng mga residente ang dahilan at duda ang mga ito sa totoong layunin ng korporasyon sa kabundukan matapos na malaman na si Pasumbal ay empleyado ng isang malaking water utility company.
Wala namang nagawa si De Luna at bilang representative ng proyekto ay humingi ng tawad sa mga taga Lucban at nangako na aayusin ang mga bahaging kanilang nasira at muling tataniman ng mga puno kapalit ng kanilang mga naputol.