DENGUE CASES SA CALABARZON TUMAAS NG 40%   

Tumaas ng 40% ang bilang ng mga dengue cases sa CALABARZON region mula January 1 hanggang July 9 ngayong taon.

Ayon sa Department of Health (DOH) CALABARZON, umabot sa 5,571 ang dengue cases ngayon kumpara sa 3,989 cases noong kaparehong mga buwan noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga cases ay mula sa lalawigan ng Laguna na nakapagtala ng 1,806 cases, sinundan ng Rizal na may 1,161 cases. Pumangatlo naman ang Quezon na may 987 cases, Cavite na may 802 cases, Batangas na may 745 cases at Lucena na may 70 cases.

Ayon sa Regional Surveillance and Epidemiology Unit (RESU), may edad 2 hanggang 60 ang mga nagkakasakit at may 12 naitalang pumanaw.

Nagbabala naman si DOH Regional Director Ariel I. Valencia sa mga residente na maging handa sapagkat hindi pa tapos ang panahon ng tag-ulan.

“Ito yung mga panahon na tumataas ang bilang nila, kaakibat na ito ng tag-ulan at pagbaba ng temperature- It’s their breeding season. Increased mobility is one of the causes seen to have contributed to the increase in dengue cases” banggit nito.

Ang dengue fever ay kumakalat sa pamamagitan ng kahat ng infected na lamok. Kabilang sa mga sintomas ang biglaang pagkakaroon ng lagnat, matinding sakit ng ulo, sakit sa likuran ng mata, pananakit ng katawan, rashes, pasa sa katawan at pagdurugo ng ilong o gilagid. Maaari itong maging hemorrhagic fever (DHF) na pwedeng ikamatay kung hindi maaagapan.

Paalala ng DOH, sundin ang 4S strategy upang makaiwas sa dengue:
Search and destroy breeding places
Secure self-protection
Seek early consultation
Support fogging/spraying in hotspot areas to prevent an impending outbreak.