PAGIGING LUNGSOD NG CALACA, PAGBOBOTOHAN NA SA IKA-3 NG SETYEMBRE

Marlon Luistro

Calaca, Batangas – Magsasagawa na ng plebisito sa darating na ika-3 ng Setyembre para pagpasyahan ng mga mamamayan kung magiging lungsod ang bayan ng Calaca.

Mismong si Mayor Sofronio “Nas” Ona ang nagbahagi ng nasabing balita sa kanyang official Facebook page noong Hulyo 11.

“Eto na po ang pinakahihintay ng sambayanang Calaqueño – ang maipahayag ang matamis na ‘Oo’ sa ating darating na plebisito sa pagiging City of Calaca!

I feel nothing but pride for our people and beloved town. Magkita-kita po tayo sa ating gaganapin na mga talakayan upang lalo pa ninyong maunawaan ang kahalagahan ng ating pagiging siyudad,” ani Ona sa kanyang pahayag sa kanyang official Facebook page.

Batay sa Comelec Resolution No. 10799 na inaprubahan ng Comelec en Banc noong ika-6 ng Hulyo, idaraos ang botohan sa Setyembre 3 mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon habang magsisimula naman ang bilangan mula alas-3 ng hapon hanggang sa matapos ito.

Isasagawa naman ang convening ng municipal plebicite board of canvassers nang hindi lalampas sa alas-6 ng gabi habang magsisimula naman ang canvassing ng mga boto at proklamasyon ng mga resulta ng plebisito sa alas-6 ng gabi hanggang sa matapos.

Sa araw ng botohan ay mahigpit na ipagbabawal ang pagdadala ng deadly weapon, pati na ang pagboto ng higit sa isang beses o pagsubstitute sa boto ng isa pa, gayundin ang soliciting ng mga boto o pagsasagawa ng anumang propaganda na pabor o di pabor sa yes or no vote sa loob ng polling place o 30 metro mula rito.

Mayo 26, 2021 nang lagdaan ni noo’y Pangulo Rodrigo Duterte ang Republic Act 10799 na nagkoconvert sa munisipalidad ng Calaca patungo sa isang component city na kikilalanin bilang “City of Calaca.”

Sakaling manalo ang yes votes ay ang Calaca na ang magiging ikalimang lungsod sa lalawigan ng Batangas kasama na ang Lipa City, Batangas City, Tanauan City at Sto. Tomas City.