DIGITAL PAYMENTS PARA SA MGA TRANSAKSYON ISINUSULONG NG CAVINTI

Pinag-aaralan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Cavinti na gumamit ng ‘digital payment system’ bilang alternatibong paraan sa pagbabayad ng mga transaksiyon sa kanilang mga tanggapan.

Kamakailan ay nakipagpulong si Mayor Arrantlee Arroyo kasama ang iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan sa GCash upang pag-usapan ang kagandahan ng paggamit ng digital wallet para sa mga transaksiyon nito.

Ayon kay Arroyo, makakatulong ang paggamit ng online payment system para sa mga residente na nasa malalayong lugar at mga turista na bibisita sa kanilang bayan.

“Isa rin po ito sa layunin ng inyong lingkod upang makapagbayad ang mga nasa malalayong lugar at mapadali ang transaksyon ng ating mga mamamayan kasama na ang mga turista para sa pagbabayad ng mga Real Property Taxes, Business Permit, Water Bill at Entrance Fees sa ating mga Tourist Spots,” pahayag ni Arroyo.

Dagdag pa ng alklade ay muli silang makikipagpulong sa GCash upang maisaayos ang naturang inisyatibo.

“Muli po natin itong pagpupulungan upang maisaayos at tunay na maisakatuparan ang napakagandang programang ito para sa gARANTisadong progreso ng ating mga mamamayan,” pahayag nito. (PIA)