LIBRENG DIALYSIS CENTER PLANONG ITAYO SA LEMERY 

📷 Nephromed

Inilalatag na ng lokal na pamahalaan ng Lemery ang plano nitong magbigay ng libreng dialysis para sa mga residenteng nangangailangan nito.

Noong Hulyo 5, nakipagpulong si Mayor Ian Kenneth Alilio sa mga kinatawan ng NephroMed Asia Dialysis Center para sa plano nitong pagtatayo ng Libreng Dialysis Center.

Magsasagawa naman ng ocular visit ngayong linggo ang NephroMed Asia Dialysis Center upang inspeksyunin ang PNB Building at Puericulture Clinic na siyang pagtatayuan ng dialysis center.

Kasalukuyan ding hinihintay ng lokal na pamahalaan ang Demolition Order ng Commission on Audit (COA) upang masimulan ang proyekto.

Ayon kay Alilio, malaking hamon para sa isang pamilya ang pagpapa-dialysis upang malunasan ang karamdaman ng isang pasyente.

Dagdag pa nito, ang pagkakaroon ng nasabing serbisyo ay isang hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng may karamdaman.

Ang pagpapatayo ng Dialysis Center ang isa sa mga prayoridad ni Alilio na inaasahang makakatulong sa mga kababayan nitong nagpapa-dialysis lalo na sa mga walang kakayanang suportahan ang kanilang pagpapagamot. (PIA)