LALAKI PATAY NANG MASAGASAAN NG PNR TRAIN

Ylou Dagos

Nasawi ang isang lalaki matapos na ito ay masagasaan ng inter city Philippine National Railway(PNR) train sa Barangay Iyam, Lucena City Huwebes ng umaga.

Kinilala ng Lucena Police ang biktima na si Jose Rizo, residente ng Barangay Isabang, Lucena City.

Batay sa report ng pulisya, bandang als 5:00 ng umaga naglalakad ang biktima sa gilid ng riles nang mabundol ito ng first trip ng PNR train na patungo sa San Pablo City mula sa Lucena PNR station na minamaneho ng operator na si Aldren Delos Santos.

Ayon sa nakasaksi, tumilapon sa gilid ng riles ang biktima matapos na ito ay masabitan ng tren.

Hinintuan naman ito ng operator at isinugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City ng train Marshall na si Hare Lord Zamora Lavadia at saka nagpatuloy sa pagbiyahe.

Subalit binawian ng buhay ang biktima pasado alas 11:00 ng umaga habang nilalapatan ng lunas.

Ayon sa pulisya, nakakainom umano ng alak ang biktima habang naglalakad sa gilid ng riles.

Ito ang pinakaunang aksidente na kinasangkutan ng PNR train magsimula ng mag-operate ito noong June 25 sa rutang San Pablo City – Lucena and vice versa.