MAGKASINTAHAN NA NAG-CAMPING SA BEACH, PINASOK SA TENT, LALAKI PINATAY, GIRLFRIEND GINAHASA

📷 Boac PNP

Ylou Dagos

Nauwi sa trahedya ang camping ng isang magkasintahan matapos na pasukin sa kanilang tent ng hindi nakilalang suspek at parehong pagsasaksakin sa Boac, Marinduque nitong Biyernes.

Ayon sa Boac police nangyari ang insidente sa tabing dagat sa Barangay Ihatub kungsaan nagka-camping ang magkasintahan na isang 21-anyos na lalaking estudyante at kasintahan nitong 17-anyos na babae.

Sinabi ni Boac police chief PMAJ Jerome Mendiola sa panayam ng isang local news channel, pasado alas 5:00 ng umaga nang makita ng driver ng isang delivery van ang sugatang biktimang babae sa highway kaya agad itong sinugod sa ospital sa Boac.

Sa imbestigasyon, kuwento ng babae, dakong 1:40 nang pasukin ng nag-iisang suspek ang kanilang tent.
Doon ay agad pinagsasaksak ng salarin ang lalaking biktima samantalang tumakbo namang palabas ang babae.
Subalit hinabol ito ng suspek at pilit pinaghubad at saka ginahasa.
Tinangay din ng suspek ang mga cellphone at pera ng mga biktima at saka tumakas.

Base sa pagsisiyasat ng SOCO nagtamo ng 10 tama ng saksak ang lalaki na siya nitong ikinamatay sa loob ng tent.
Siyam naman ang tinamong saksak ng babae sa kanyang leeg.

Ayon pa sa pulisya, posibleng inakala ng suspek na patay na ang babae kaya binuhat niya ito at ibinalik sa tent.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Boac PNP sa pagkakakilanlan sa suspek at nanawagan sa mga witness na makakapagturo sa mapagkakakilanlan ng suspek.

Inaalam din ang motibo sa krimen dahil ayon sa pulisya bukod sa mga nawalang gamit ay nakakapagtaka rin ang tinamong dami ng saksak ng dalawang biktima.