BATA PATAY SA ENGWENTRO NG ARMY AT NPA SA BATANGAS

Ylou Dagos

Patay ang isang 9-na taong gulang na batang babae matapos na ito ay maipit at mahagip ng ligaw na bala sa bakbakan ng mga tauhan ng 59th IB ng Philippine Army at mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army sa bulubunduking lugar sa Brgy. Guinhawa, Taysan, Batangas Lunes ng tanghali.

Batay sa report ng Taysan police, pasado alas 11:00 ng umaga, nang magkasagupa ang isang squad ng Army na pinamumunuan ng isang Sgt Bajaro nang hindi pa matiyak na bilang ng mga NPA.

Tumagal lamang ng tatlong minuto ang palitan ng putok at umatras ang mga rebelde patungo sa direksyon ng bayan ng Lobo.

Subalit habang tumatakas ang mga rebelde, nakita ng mga sundalo ang biktima na tinamaan ng bala na nanggaling sa hindi malamang direksyon.

Nagpapastol lamang ng kanilang kambing ang bata ng maipit sa labanan.

Agad itong isinugod sa Batangas Medical Center subalit idineklara itong dead on arrival ng doktor.

Samantala, muli namang nakasagupa ng blocking force ng Army na pinamumunuan ng isang 2LT Dimaano ang tumatakas na mga rebelde sa bahagi na ng Barangay Pinaghawanan sa bayan ng Lobo.

Walang nasugatan sa panig ng mga tropa ng pamahalaan sa dalawang engkwentro samantalang hindi rin tiyak kung may nasawing rebelde.