BATANGAS, MANANATILI SA ALERT LEVEL 1 HANGGANG HULYO 31 – DOH

Marlon Luistro

Ang lalawigan ng Batangas, kasama ang lima pang probinsya at lugar sa Rehiyong Calabarzon ay patuloy na sasailalim sa status ng Alert Level 1 Hulyo 16 hanggang 31, inihayag ng DOH.

Bukod sa nasabing lalawigan ay mananatili pa rin sa Alert Level 1 status ang mga probinsya ng Cavite, Laguna, Rizal, Lucena City at bayan ng Alabat sa Quezon.

Habang nasa Alert Level 2 naman ang nalalabing bahagi ng lalawigan ng Quezon.

Ginawang basehan sa pagtatakda ng nasabing alert level ang average daily attack rate at total bed utilization ng isang lugar.

Sa pinakahuling ulat ng DOH Calabarzon mula alas-3 ng  hapon noong Hulyo 19, may 215 bagong kaso ang nadagdag kayat umabot nasa 506,010 ang confirmed cases sa rehiyon kung saan 2,487 ang active cases o mga nagpapagaling pa. Nasa 442 naman ang bagong gumaling sa COVID kayat umabot  na sa 489,993 ang bilang ng mga nagrecover sa  sakit. May tatlo namang nadagdag sa listahan ng pumanaw kayat suma total ay umabot na sa 13,530 ang death toll sa rehiyon.

Pinakamaraming aktibong kaso sa Cavite na may 898, kasunod ang Batangas na  may 644 at Laguna na may 579.

Pang-apat naman ang Rizal na may 287 aktibong kaso, 70 ang sa Quezon habang siyam naman ang aktibong kasong naitala sa Lucena City.