DELIVERY RIDER SUMABIT SA WIRE, PISAK SA TRUCK

Ylou Dagos

Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang delivery rider nang masagasan ito ng isang ten-wheeler truck matapos na matumba ang motorsiklo nito  sa kalsada  dahil sa nakalawit na wire sa national highway, Barangay Sampaga, Batangas City.

Kinilala ang nasawing rider na si Reynaldo Ayaton, 33 anyos,  residente ng nasabing barangay.

Batay sa report ng Batangas City police, dakong alas 9:20 ng gabi nang masagasaan ng truck ang biktima.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, tumatakbo sa parehong direksyon ang kulay silver na truck at ang motorsiklo ng biktima nang mag-overtake ang rider sa kanan.

Subalit sa kasamang palad, sumabit ang biktima sa nakalawit na kable sa gilid ng highway kaya nawalan  ito ng panimbang.

Sa pagtumba ng motorsiklo nagulungan ng huling gulong ng truck ang rider.

Isinugod pa ito sa Jesus of Nazareth Hospital  subalit idineklara na itong dead on arrival.

Hindi naman huminto ang truck at nagpatuloy sa pagtakbo patungo sa direkson ng Barangay Pallocan East.

Inaalam pa ng mga awtoriad ang kung sino ang driver at may-ari ng truck.