ELECTION PROTEST NI SABILI VS AFRICA, IBINASURA NG COMELEC

EX Mayor Meynard Sabili / Lipa Mayor Eric Africa

Marlon Luistro

Lungsod  ng Lipa, Batangas – Ibinasura ng Comelec 2nd Division ang  election protest ni dating Lipa Mayor Meynard Sabili laban sa katunggaling si Mayor Eric Africa dahil sa kakulangan ng ebidensya at nilalaman.

Sa pitong pahinang desisyong inilabas ng poll body na pirmado ni Presiding Commissioner Marlon Casquejo at Commissioner Rey Dulay, sinabi nitong ang alegasyon ni Sabili kabilang na ang mga inilakip na affidavits ay pawang base sa mga personal na pagdududa, takot at pagpapalagay at hindi base sa  kung ano ang resulta ng nasabing eleksyon.

Binigyang diin nito ang pahayag ng nagpoprotesta kung saan sinabing ,”It is only through the  manual counting and/or conducting recounting of the ballots by way of this protest that the automated election system will be tested if indeed it delivered a fraud free election.”

Ayon sa Comelec, ito ay nagpapakita lamang na maging ang nagpoprotesta ay hindi tiyak kung talagang may nangyaring dayaan, iregularidad at anomalya sa May 2022 National at Local Elections.

Bigo rin aniya ang kampo ni Sabili na  mapatunayan ang alegasyon nito na ang malawakang pagkasira ng  vote counting machines sa lahat ng barangay sa Lipa City ay nagbigay daan sa pandaraya sa eleksyon, iregularidad at anomalya.

Dahil dito ay ibinasura ng Comelec Second Division ang election protest ni Sabili at inirefer sa Comelec Law Department para sa tamang imbestigasyon ang alegasyon hinggil sa nangyaring umanoy dayaan, iregularidad at anomalya noong nakaraang halalan.

Matatandaang noong Mayo 20 ay naghain ng election protest si Sabili para hilingin ang  manual / administrative recount ng mga balota at iba pang dokumento ng eleksyon sa lahat ng 333 protested clustered precincts sa lungsod ng Lipa.

Hiniling din niyang matapos ang mga pagdinig ay ipawalambisa ang pagkapanalo ni Africa bilang mayor at ideklara si Sabili bilang nanalong alkalde ng Lipa pero hindi ito kinatigan ng Comelec.

Batay sa official Comelec results ay nagwagi si Africa bilang mayor ng lungsod ng Lipa sa botong 138,674 laban sa katunggaling si Sabili na may 45000 boto at Retired General Nestor Sanares na may 6,018 boto.

Ikinagalak naman ng kampo ni Africa ang pagkakadismiss ng election protest ng kanyang katunggali.

“Ito ay isang testamento na ang mandato ng mga tao ay hindi maaaring balewalain sa pamamagitan ng puwersa, kasinungalingan at/o masamang motibo. Ang kalooban ng mga manghahalal ay palaging magiging pinakadakilang sandata ng ating demokratikong estado,” ani Africa sa  inilabas na  pahayag sa  kanyang official FB page noong Hulyo 19.

“Sa katunayan, ang desisyon ng Comelec ay muling nagpatunay sa lumang Mantra – “Ang Katotohanan ay Mananaig.”

Wala pang pahayag ang kampo ni Sabili sa nasabing desisyon ng Comelec.