LALAKI PINASABOG ANG BUNGO SA SABUNGAN

Ylou Dagos

Patay ang isang sabungero matapos na barilin ng hindi nakilalang salarin sa loob ng sabungan sa Barangay Poblacion, Mabini, Batangas Huwebes ng hapon.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Virgelio Francisco, 54 anyos.

Batay sa report ng Mabini police, ala 1:45 ng hapon nasa loob ng Mabini cockpit arena ang biktima nang mula sa likuran ay barilin ito ng suspek gamit ang kalibre 45 baril.

Nagtamo ito ng isang tama sa ulo na agaran nitong ikinasawi.

Nakatakas naman ang suspek na nakisabay sa pagtakbo palabas ng sabungan ng mga nagkagulong sabungero.

Inaalam pa ng mga pulis ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan sa suspek.